dugo ng babae

Monday, May 21, 2007

Dugo. Ang nananalaytay sa ating ugat, na siyang nagbibigay buhay. Ngunit madalas ito ay nagiging simbolo ng karahasan, ng kasamaan. Mabuti man o masama ang konotasyon, ang dugo ay nananatili sa ating kamalayan.

Maaring ikwento sa pamamagitan ng dugo ang buhay ng isang babae. Ang dugo ay nagsisilbing hudyat ng pagbabagong buhay ng isang babae. Mula sa kabataan patungong pagdadalaga, mula pagdadalaga hanggang pagiging ina, pagiging ina hanggang sa pagiging lola. Sa bawat yugto ng buhay ng babae ay may samutsaring kaganapan na nakakatulong sa paghulma ng pakatao niya. Madalas ang mga pagsubok na sadyang masakit at mabigat sa damdamin ang lalong nakakapagpalakas at nakakapagtibay ng loob ng mga kakababaihan. Meron din namang mga karanasan na hindi masakit, ngunit tunay pa ring nakakapagbago nga buhay at pananaw ng isang babae.

Ang mga akdang ito ay ipinagdiriwang ang mga karanasang ito.



===============


Dear Diary
Allen Penus

“Allie!” tawag ng aking ina na nasa kusina at nag-eeksperimento na naman ng kung anong lutuin na wish ko lang ay may lasa.
Alam ko na, may iuutos na naman siya sa akin. Nararamdaman ko na.
“Po?!” pasigaw na sagot ko pero ni hindi ako tumayo mula sa pagkakahiga ko sa sofa bed na nasa sala. At lalong hindi ko inaalis ang tingin ko sa tv kung saan binabasa ko ang subtitle ng pinapanod kong Korean drama.
Hindi sumagot ang nanay ko, kaya tuloy pa rin ako sa panonood. Ngiting-ngiti pa ako nang saktong bumungad sa paningin ko ang mukha ng nanay ko. At base sa ekspresyon ng mukha niya, mukhang hindi siya natutuwa na nasisiyahan ang anak niya sa panonood sa mga koreyano. Mukha na ding koreyana ang nanay ko dahil sa pagkakasingkit ng mga mata niya sa akin.
Lord, help!
“Allena, kaninang-kanina pa kita tinatawag, hindi ka dyan sumasagot.” Hindi pa naman masyado galit si Mama, hindi pa nagbabanta ng World War III kaya hindi dapat mag-alala.
“Sumagot naman po ako kanina, ah. Baka hindi ninyo lang narinig.” Sabi ko habang pinipilit ang katawan ko na umupo na lang imbes na humiga. Alam ko na kasing ang sunod niyang sasabihn ay wala na akong ginawa kundi mahiga at manood ng tv na medyo totoo naman.
“Patayin mo nga muna yan. Maglinis ka muna ng kwarto mo. Hindi ka ba napapagod sa kahihiga mo dyan? Tanghali ka na nga gumising tapos hihiga ka na naman.” sabi niya na nakapamaywang pa. Tama ang hinala ko. Iyon na nga ang kasunod niyang sasabihin.
“Maaga naman akong gumising, ah. 8 pa lang gising na ko. Mamaya ko na lang lilinisin yung kwarto ko, masakit pa ang katawan ko, mabigat yung plates na binuhat namin sa PE.” Pag-iinarte ko. Totoo naman na medyo sumasakit ang katawan ko dahil weight training ang PE ko, pero kayang-kaya ko pang maglinis ng kwarto kung gugustuhin ko, kasi tinatamad ako.
“Nung Grade 2 ako, tumutulong na akong maglaba tuwing Sabado, ikaw naman, college ka na, wala ka pang alam gawin kundi manood ng tv.” Ito na yata ang pinakagasgas na linya ng nanay ko. Every weekend yata tuwing umuuwi ako ng Cavite galing Quezon City, ito ang naririnig ko.
“Ma, iba ang generation ninyo sa generation namin. Tsaka, bakit ako maglalaba, eh di mawalan ng trabaho si Ate Mila? Di sana hindi ninyo na lang siya kinuha kung ako rin lang ang maglalaba.” Sagot ko naman.
“Sasagot ka pa. Linisin mo na yung kwarto mo, itapon mo lahat ng hindi mo gingamit, pati yung mga pinagsulatan mo ng kung anu-anong kwento. Nakatambak lang naman. Ang dami-daming kalat, parang bodega na.”
“Opo na.” Sagot ko, labas sa ilong. Pero tumayo na din ako dahil alam kong hindi na din ako titigilan ni Mama hangga’t hindi ko nililinis ang kwarto ko.
Bumalik na sa kusina ang nanay ko samantalang pumunta ako sa kwarto ko. Ini-lock ko pa ang pinto para hindi ako maabala.
Hindi nga nagsisinungaling ang nanay ko nang sabihin niyang parang bodega na ang kwarto ko. Madaming mga notebooks na nasa drawer. Doon ko sinusulat ang mga kwento ko na hindi pa natatapos. Dapat maikling kwento lang pero naging nobela na at hanggang ngayon ay hindi pa tapos. Inaamag na nga ang iba. Hindi ko na inilipat sa computer dahil hindi din naman tapos ang mga kwento. First year high school pa lang ata ako nang isinulat ko ang iba sa mga kwentong iyon. Pero hindi ko naman maitapon dahil remembrance iyon para sa akin, na minsan sa buhay ko pinangarap kong maging isang manunulat.
Sige, tama na ang pagsesenti, magtrabaho ka na, para makanood ka ng Princess Hours mamaya.
Halungkat dito, halungkat doon. Tapon dito, tapon doon. Malapit nang mapuno ang kahon ko hindi pa rin nauubos ang basura ko. Karamihan sa mga iyon ay mga papel na kung anu-ano ang nakasulat. Ang itinira ko lang ay ang mga notebooks ko na pinaglalagyan ko ng mga hindi pa rin tapos na kwento. Someday, matatapos din iyon. Sana.
May nakita akong isang notebook. Maliit at kulay pula iyon at si Hello Kitty ang nasa cover. Ang una kong diary. Ibinili ako ng nanay ko dahil mahilig naman daw akong magsulat.
Makapagbasa nga muna, mamaya ko na itutuloy ang paglilinis.


May 16, 1996
Dear Diary,
Napagalitan ako kanina ni Mama. Ayaw kasi akong isama ni Papa sa pupuntahan niyakaya umiyak ako. Kaya napagalitan ako. Nag-lock ako sa kwarto tapos nung bubuksan ko na hindi ko na mabuksan. Kaya pinagtawanan nila ako.

Anong klaseng entry to? Sige, magbuklat ka pa.

August 7, 1996
Dear Diary,
Naglaro lang kami kanina sa school. Nandoon ang mommy ni Donn. Sinusubuan pa niya si Donn ng pagkain. Kinwentuhan niya kami tungkol kay Papa Jesus. Tapos sabi niya madami daw may gusto kay Donn..

Tama, marami ngang may crush kay Donn noong Grade 2 kami. Cute naman kasi.
Daig daw ni Donn si Kuya Vince kasi mas madaming girlfriends si Donn. Grade 4 na si Kuya Vince, magaling din siya magsayaw katulad ni Donn.

Grade 2 ba talaga ako nang isinulat ko ‘to? Grabe, girlfriends na pala ang pinag-uusapan namin noon. Siyempre, si Donn ang bida kasi siya ang pinaka-cute sa mga kaklase ko. Pati ang height niya, cute.
September 14, 1996
Dear Diary,
May nag-away kanina sa school. Umiyak pa nga si Hachel. Si Mae kasi ipinagkalat na may crush si Hachel kay Bong. Kaya nagalit si Hachel. Pero para namang walang pakialam si Bong. Hindi nga siya nagsasalita eh. Tapos sabi pa ni Hachel hindi naman daw talaga si Bong ang crush niya, kapangalan lang daw ni Bong. Sabi naman ni Mae, si Bong daw talaga ang crush ni Hachel. Umiyak na talaga si Hachel, tapos sabi niya, hindi na daw niya papasakayin si Mae sa car nila. Kasi naman si Mae eh, sinabi pa niya na crush ni Hachel si Bong. Nagalit tuloy si Hachel. Mabuti na lang, mabait si Kuya Butloy, yung naghahatid at sumusundo sa min ni Me-Ann, kaya pinasabay na lang namin si Mae.

Si Hachel ang pinakamayaman sa mga kaklase ko. Sila ang may-ari ng Funeraria Mabini. 3 yata ang branches ng puneraryang yun. Konti lang ang umaaway sa kanya noon dahil lagi niyang sinasabi na mumultuhin daw ng mga patay na inaayusan sa kanila ang mang-aaway sa kanya. at syempre pa, naniwala naman kaming lahat na ka-chummy niya ang mga bangkay na customer nila.
November 5, 1996
Dear Diary,
Naglaro kami ng bahay-bahayan sa school. Inayos pa namin ang mga upuan. Si Jamil ang daddy namin, tapos si Kristel naman ang mommy. Mentos ang pagkain namin. Binigay ni Jamil sa amin, para hindi kami magutom. Pero nung one o’clock na, kinukuha na sa amin ni Jamil ang ibinigay niyang mentos. Kaso lang wala na, kasi kinain ko. Sabi niya kasi iyon daw ang pagkain namin para hindi kami magutom. Kaya nagalit siya sa akin. Ako lang pala ang kumain ng ibinigay niyang mentos. Magpapabili na lang ako kay Mama tapos ibibigay ko sa kanya bukas para hindi na siya magalit sa akin.

Napangiti ako. Hindi ko inaaway si Jamil noon dahil mabait naman ito, at lagi pa akong tinutulungan sa English. Magaling sa English si Jamil dahil ilang taon din siyang tumira sa ibang bansa, consul kasi ang daddy niya. Hindi pa nga siya marunong magtagalog noong una.


December 12, 1996
Dear Diary,
Birthday ko ngayon. 8 na ako. Kinantahan ako kanina ng Happy Birthday ng mga classmates ko. Masaya ako. Kaninang umaga, naghahabulan ang mga classmates ko na girls at boys. Kasali pa si Me-Ann.

Si Me-Ann ang pinsan ko na babae. Magkaklase kami noong nasa Grade school pa lang kami. Dadalawa lang kaming mag-pinsan na babae, kaya kami ang laging pinagkukompara. Magkaiba ang aming mga interes at lalong naging prominente ang pagkakaiba namin nang pumasok kami sa magkaibang High School at University.

Pinapasali nga din nila ako, kaya lang ayoko. Kasi bastos ang tayaan nila. Kasi para mataya mo yung babae, kailangang sa bleep-bleep niya mo siya tayain. Tapos pag lalaki sa tuut-tuut niya mo siya dapat tayain. Bad daw iyon sabi ng Mama ko. Mabubuntis daw pag hinawakan ng lalaki ang bleep-bleep ng girl eh. Paano pag lumaki na agad ang tiyan nila? Mabubuhat kaya nila ang baby sa loob?

Ano ba ‘to? Bakit ngayon ko lang naaalala ‘to? Gawain ba talaga ito ng mga Grade 2 na estudyante? Medyo mahaba pa ang entry pero naeeskandalo na yata siya sa binabasa niya. Partida, Grade 2 pa lang siya noon.

Sabi ni Tricia, sumali na daw kami ni Hazel. Hindi naman daw totoo na mabubuntis pag sumali, sabi ni Hachel. Naiiinggit na din ako kasi parang masaya sila. Kaya sabi ko sasali na lang kami ni Hazel pag lunch na. Sinabi na din ni Donn sa ibang mga kasali na sasali na din kami ni Hazel pag lunch na. Masaya na din sila kasi dumadami na ang kasali. Kumain kami ng mabilis ng lunch, kasama namin si Tricia. Parang ayaw na sumali ni Hazel, baka kasi mapagalitan kami ni Teacher Mylene. Pero pinipilit kami ni Tricia.

Malapit nang magsimula ang laro, naka-ready na kami. Ayokong mataya kaya nasa likod ako ni Tricia, para siya ang mauunang mataya. Nasa likod ko naman si Hazel.
Itinigil ko ang pagbabasa at pilit na inalala ang larong iyon. Umagos ang mga alaala.
“Ready na ha!” sigaw ni Donn. Siya ang taya, dahil gusto niya siya lagi ang unang taya.
“Game na!” sigaw ng lahat, maliban sa aming tatlo nina Tricia at Hazel. Hindi pa tumatakbo si Tricia kaya hindi pa kami ready ni Hazel. Pero nagsimula na si Donn na tumakbo.
“Tumakbo ka na Tricia, baka tayain tayo ni Donn.” Sabi ni Hazel kay Tricia.
“Eh..” bantulot si Tricia. Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan.
Suminghot ako. Mabaho.
“Ano yung mabaho? Amoy tae!” malakas kong sabi. Lahat ng kaklase ko ay tumigil sa pagtakbo. Pati si Donn ay tumigil.
Gumala-gala ang tingin ko. Nakita ko si Bong na nakatingin kay Tricia.
“Umiiyak si Tricia.” Sabi ni Bong, medyo malapit siya sa aming tatlo. Hinila niya pa ako palayo kay Tricia. Akala yata nito ay inaway ko si Tricia kaya umiyak.
Lalong lumakas ang iyak ni Tricia.
“Bakit ka umiiyak?” tanong ko kay Tricia.
“Galit ako sa ‘yo!” sigaw ni Tricia sa akin, pero hindi lumalapit o gumagalaw.
Lumapit na si Donn kay Tricia na lalong lumakas ang iyak. Suminghot-singhot si Donn.
“Si Tricia, napatae!” sigaw ni Donn.
…Hindi na natuloy ang paglalaro namin dahil napatae si Tricia. Nagalit si Teacher Mylene dahil daw pinagkalat pa namin na napatae si Tricia.

“Allie!” tawag ng nanay ko. Naputol ang pag-iisip ko.
“Bakit po?” tanong ko habang itinatabi ko na ang Hello Kitty Diary ko sa drawer.
“Tapos ka na bang maglinis dyan? Baka nakatunganga ka na naman, ha. Noong Grade 2 ako.. blah-blah..”


===============


Bagong Lipat
Aurea A. Dagnalan

"Anak, bangon na. Late ka na. Bilisan mo, first day pa naman." Kumaripas ako ng gising. Ano bang ginawa ko kagabi at nasarapan ako masyado sa tulog. Bad trip naman o. Unang araw ng pasukan pagagalitan na ako.
Nagwisik-wisik ako ng tubig sa buong katawan. Wala ng panahon para sa matinong ligo, mamaya na lang pag-uwi. Bubuhusan ko na lang ang sarili ko ng pabango para hindi halata. Niligpit ko ang lahat ng kailangan para mamaya at isiniksik lahat sa bag.
"Bakit kasi hindi mo pa niligpit 'yang gamit mo kagabi?' Sambit ni Ma sa may labas ng pintuan ng kwarto ko. "Eh, ganun talaga." ang sagot ko. "Bilisan mo na diyan, late na rin tuloy ang ate at kuya mo."
"Yes mam!" Halos lumipad na ako pababa ng hagdan at muntik pang madulas dahil sa carpet. Tumalon ako papasok ng sasakyan at sa wakas ay nakaalis na kami.
First day naming magkakapatid sa bagong eskwelahan. Halos dalawampung taon din kaming nanirahan sa una naming bahay sa Las Piñas. Pero dahil nahirapan ng bumiyahe araw araw ang mga magulang ko papuntang Quezon City para magtrabaho ay napilitan kaming maghanap ng bahay doon. Buti nalang yung pinsan ni Daddy ay nag-Amerika muna at dito kami sa bahay niya muna tumira habang naghahanap kami ng sariling bahay.

"Ako ay Pilipino...Ako ay Pilipino...isang bansa, isang diwa..."

Naku, Ako ay Pilipino na. Hindi na namin naabutan ang Bayang-este-Lupang Hinirang. Iniwan namin ang mga bag sa may office at hinanap ang kanya-kanyang pila. Pagkakita ko sa pila ng Grade 6, agad kong sinundan ang pinakahuling babae, na sa sobrang tangkad ay hanggang dibdib nya lang yata ako.

"Psst!" Napatingin ako sa may hanay ng mga lalaki. Ah, si Alvin pala. Binigyan niya ako ng thumbs up. Nakilala ko si Alvin noong summer class. Lahat daw kasi ng bagong lipat ay kailangang pumasok ng summer, para daw masanay sa eskwela. Si Alvin ay binagsak ang math at science noong nakaraang taon at kinailang kunin niya ulit ang mga ito noong bakasyon.
"Taas noo, kahit kanino..Ang Pilipino ay ako!" hay, natapos din ang kanta. Bakit kasi kinakanta 'to dito? Doon naman sa Cavite di kinakanta, Lupang Hinirang lang at ang hymn ng eskwela. Oo nga pala, sa Bacoor kami nag-aral noon. Hindi kasi gusto ni Mama yung mga eskwelahan sa Las Piñas kaya doon niya kami pinag-aral.
"Excuse me, classmate ka ba namin?" Tanong ng matangkad na babae.
"Oo, bagong lipat ako. Ako nga pala si Aurea."
"Regina. Pano i-spell ang pangalan mo?"
"A-U-R-E-A. Parang Oreo pero A-U." Hay, sa dati kong eskwela walang problema sa pangalan ko. Simula prep kasi pare-parehong mukha na yung nakikita ko, kaya parang hindi nagbabago ang bawat taon. Lumalaki lang kami.
"No talking. Hold hands." Nagulat ako sa biglang pagsulpot si Sir Sangel. Siya ang adviser ng section namin. Siya ang nagturo ng English noong summer. Agad kaming naghawak kamay at baka mapagsabihan pa ulit. Eksaktong lumabas mula sa PA system ang school hymn.

'We take a step on Sunny Hill..where we grow and learn a skill..." ang korni talaga ng kantang ito. Unang basa ko pa lang ay natawa na ako. Sobrang pambata kasi. Sa bagay, kailangan kasing tapatan ang korning pangalan ng paaralan. Nagsimula kasing day care center itong eskwela, kaya ganun ang pangalan. Ngayong may highschool na e parang hindi na bagay.
Nang sa wakas ay matapos na ang kanta, isang linya kaming umakyat papuntang klasrum. Habang naglalakad ay nakita ko di Donovan, kaklase ko rin nung summer, at si Raymund, ang nasa dulo ng pila ng mga lalaki. Matapos ng maupo ang lahat ay pinakilala ako ni Sir Sangel sa klase.
"Class, this is your new classmate Aurea. She just moved from Cavite...." Kakaiba talaga itong eskwela sa nakasanayan ko. Hindi kasing taray ng mga guro ko noon ang mga guro dito. Halos kabarkada ang turing ng mga kaklase ko kay Sir. Sa labas ng kwarto ay mga mga lockers para sa mga gamit namin. Dito ako tuwang tuwa. Halos mabali na kasi ang likod ko sa dating eskwela sa dami ng gamit na kailangang dalhin. Hindi nga kasya ang mga libro at notebook sa iisang bag.
Natapos ang homeroom period at umalis na si Sir. Kanya-kanyang "bye, sir" ang mga tao, wala yung "Guuuubaaay aand thaaank youuuu, Misssterr Sangeeeellll." Pagkaalis na pagkaalis niya ay simula na ang daldalan ng mga tao.
Hiwalay ang barkada ng mga lalaki at mga babae. D'on samin dati laging magkahalo ang lalaki at babae. Nagtayo pa nga kami ng sariling samahan noong Grade 4 kami. Uso kasi noon ang Gimik. Kaming mga class officers ay kunyari mga karakter sa Gimik. Ako daw si Melanie. Kaya lang hindi ko naman alam ang Gimik noon. Hindi ako mahilig manood ng tv eh. Pero dahil d'on sinubaybayan ko na siya, para naman may masabi ako kapag nauusap tungkol dito.
Iba din ang pinakikinggan nilang musika dito. Sa amin kasi ang uso Backstreetboys, Spice Girls at Aqua. Dito, ang uso ay sina Usher, Monica at Brandy. Hip-Hop ang uso. Kaya noong usap ng usap sila tungkol sa kanila, wala man lang akong nasabi.
Napakabilis ng araw, parang may kumuha ng remote control at pinindot ang fast forward. Puro mga bagong mukha ang kailangang kilalanin, mga bagong pangalan ang kailangang tandaan. Noong lunch na ay doon ko lang napansin ang ginagawa ko noong umaga pa.
Halos lahat ng makita ko sa bago kong eskwela ay ikinukumpara ko sa dati kong kinagisnan. Doon ko lang talaga nadama ang pagka-miss ng eskwela ko sa Cavite. Ngayon lang din kasi ako nakaranas ng malaking pagbabago. Anim na taon akong nasanay sa mga kasama ko. Anim na taon akong nasanay sa pare-parehong patakaran. Parang naging SOP na sa akin ang mga kailangang gawin noon. Pero ngayon, parang bumalik ako sa simula.
"Aurea, halika na. Canteen tayo." ang sabi ni Regina. "Anong pagkain meron d'on?" natawa si Regina. "Hindi nakakain. Bili lang ako ng Judge. Doon tayo sa covered court, bili tayo ng hotdog at Slush Puppie."
"Anong Slush Puppie?" Napatingin siya sa akin at napangiti. "Basta, lika na."
Nakarating kami sa covered court at dumiretso sa isang kumpol ng mga estudyante sa may bilihan ng pagkain. Yung iba namumukhaan ko, yung iba hindi.
"Guys, si Aurea, bagong member ng Dapitan. Galing daw siyang Cavite."
"Hello," sinabi ko ng nakangiti. Isa-isang tinuro ni Regina ang mga nakaupo.
"Si Hannah, Monica, Aisa, John Paul, Gino, JJ, at Michael."
"Cavite? San 'yun banda?" tanong ng isa sa mga babae, di ko matandaan kung sino ang alin. "Ah, malapit sa Las Piñas. Sa South."
"Bat kayo lumipat?"
"Ah, kasi.."
Nagsimula na ang interview portion. Pakiramdam ko nag-aaplay ako sa trabaho. Tanong dito, tanong doon. Nang matapos iyon, bumili na kami ng pagkain. Nalaman ko na rin kung ano ang Slush Puppie. Isa siyang uri ng inumin gawa ng crushed ice at flavoring. Ang paborito daw ng mga tao ay 'yung bubblegum flavor. Tinikman ko muna ang rootbeer. Matagal naman ang panahon ko dito kaya matitikman ko din ang ibang flavors.
Umupo kami kasama ng iba. Nagsimula uli ang kwentuhan. Iba-iba ang pinag-uusapan nila, at madalas ay patalon-talon pa ang mga topics nila. Minsan bigla nalang mag-jo-joke at tatawa ang lahat. Andami-daming interes na nababanggit, at lahat ay may nasasabi tungkol dito. Tila walang kailangan pagka-abalahan kundi ang magkwentuhan ang magtawanan.
Maya-maya lang ay nag-ring ang bell. Time na. Pumila kami sa gitna ng basketball court, mula grade 4 hanggang grade 6. Isang linya ulit kaming umakyat papuntang klasrum. Habang paakyat ay nalaman ko na lahat ng pangalan ng mga kaklase. Tumuloy ang klase at sa pagsapit alas-tres ay malaya na kami. Mabilis kaming bumaba at tumungo sa waiting shed, at inantay ang kanya-kanyang mga sundo, o di kaya'y sumakay sa kanilang schoolbus. Doon ko na lang uli nakita si Ate at Kuya, na may mga kanya-kanyang kwento tungkol sa kanilang unang araw.
Pagkadating sa bahay, kumuha ako agad ng tuwalya at naghandang maligo.

"O, anak, how was your first day?" Nagulat ako.
"Ma? Wala kang pasok?" Umiling siya. "Inspection. So?"

Napatigil ako ng sandali at tumingala pa magisip. Ngumiti ako.

"Ok naman. Masaya."


===============


AKO SI DARNA
Maricel O. Manlantao

Umaga. Makikita sa isang masikip na bangkinita ang dikit-dikit na mga kabahayan. May mga nag-iinuman sa maliit na tindahan—alak, lagok, sardinas bilang pulutan, gitara, biruan, asaran, malalakas na tawanan—lahat ng mga ito ay utang sa maliit na tindahan. Maya-maya’y dumaan ang tatlong nagseseksihang mga babae. Kauuwi pa lang nila galing sa Pegasus. Lahat ng mga nadaanang lalaki nila sa maliit na kalyeng ‘yon ay napalingon. Lahat ay halos tumulo ang laway at mabali ang leeg sa paglingon. Pagkatapos mag “Hi boys!” ng mga ito sabay tawa ay lumiko na sa isang kanto papasok sa mga tinitrhan ng mga ito. Lahat naman ng lalaki ay napangiti. Maya-maya’y nagtawanan ulit. May mga ale namang naglalaba sa isang sulok. At habang nakita ang reaksyon ng mga kalalakihan doon at kung paano rumampa ang tatlong babae kanina ay sabay-sabay silang napaismid at nagsimulang magtsismisan tungkol sa tatlong mga babae. Kesyo daw ang isa ay may anak na at ang isa nama’y hiwalay na sa asawa dahil sa pambubugbog. Ang isa naman daw ay ginahasa ng kinakasama ng nanay nito sa probinsya kaya’t lumayas sa kanila. Pagkatapos ay sa kung saan-saan at kani-kanino na napunta ang usapan nila. Dito na pumasok sa eksena si Ding, isang batang bading kaya tinawag siyang “Ding”. Pero ang totoo niyang pangalan ay Fredegusto III, hango sa pangalan ng lolo niya. Naloloka siya ‘pag tinatawag ng ganun kaya “Ding” na lang daw. Pitong taong gulang pa lang siya at kasama niya sa bahay ang nanay niyang nagtratrabaho sa pabrika ng tela, ang tatay niya na isa sa mga nakikipag-inuman sa maliit na tindahan, at ang lola niya na nanay ng tatay niya. Nakikitira lang kasi sila sa bahay ng lola niya.

Papunta siya ngayon sa bahay ng suki niyang si Aling Salud. Magmamanicure kasi siya at pedicure doon. Siyempre pa, dahil magaling siyang mambola at gumawa ng mga kuko kaya paborito siya ng matandang dalagang iyon. Lagi siyang pinapakain at pinapanood ng telebisyon. Eh paborito pa naman niya si Angel Locsin lalung-lalo na pag nagdadarna ito kaya bumabalik siya doon kapag gabi para makinood. Nang dumaan siya sa umpukan ng mga lasinggero’y may sumigaw ng “Pare, dalaga na’ng anak mo ah!” sabay tawanan ng lahat maliban sa tatay niya na sinapak ang kainuman. Tumingin lang si Ding sa ngayo’y nag-aaway-away nang lasinggero. Araw-araw kasi silang ganun. Nag-iinuman, nagsasapakan, tsaka nag-iinuman ulit na para bang walang nanggyari. Isa pa, gusto din niyang tinatawag siyang dalaga. Feeling niya niregla na siya kaya siya tinawag na dalaga. Nang dumaan siya sa mga nagtsitsismisan ay tinawag siya ng isang ale at tinanong kung totoong may karelasyon si Aling Salud na taga-ibang barangay daw. Hindi pa siya nagsasalita’y nagsalita ulti ito ng “At yung nanay mo ah! May manliligaw din daw doon sa pabrikang pinagtratrabahuan niya! At ito namang tatay mo’y nawawalan na daw ng gana sa nanay mo! Oh ano na’ng balita kay Salud?” Pinitik-pitik niya ang mga daliri at maarteng pinakurba ang mga labi habang nagsasalita. “Hay naku po Aling Selya, sa lahat po ng sinabi niyo, ni isa, walang tumama! Ang mabuti po’y kuskusin niyo din ‘yang bunganga niyo dahil mukhang madaming mantas ng kasalanan, ano ho? Babushing mga labanderang cheezymowsa!” sabay irap sa mga napatungangang matatanda. Wala talaga siyang pakialam sa kung anong sasabihin ng mga kapitbahay niya. Basta ang alam lang niya, virgin pa siya at mahal niya si Darna. Pero sa loob niya, nasaktan naman siya sa usap-usapan tungkol sa mga magulang niya. Totoong may naliligaw sa nanay niya sa pabrika pero hindi nito ito pinatulan. Eh kahit naman kasi lasinggero yung tatay niya eh mukhang tao naman yun pag hindi nakainom. Isa pa, hindi ganoon ang nanay niya. Matinong babae ang nanay niya at sure na sure na sure siya doon. Ang tatay naman niya? Ewan niya kung hindi na nga ba ito ginaganahan sa nanay niya. Kilala niya ang tatay niya. Kahit ganoon iyon, ni minsan ay hindi ito nambabae. Seloso nga lang at nambubugbog. Pati lola niya’y binubugbog nito. Pati siya’y binubugbog din. Kapag nangyayari yung mga iyon ay gusting-gusto niyang kumuha ng bato, pero hindi para ibato o ipampukpok sa ulo ng tatay niya kundi para lunukin, sabay sigaw ng “Darna!” Ilang beses na siyang ganyan. Pero sa huli’y bugbog sarado pa rin silang tatlo. Galit siya sa tatay niya dahil napakawalang-kwenta nito para sa kanya. Ayaw siyang pag-aralin dahil ang limang notebook daw niya ay katumbas ng isang alak. Kung minsan gusto na lang niyang maging bote ng alak kasi gingastusan pa yun ng tatay niya. Minsan naman, gusto niyang basagan ito ng bote ng alak. Pero sa imahinasyon niya lang yun. Pag nandiyan na ang tatay niya’y nangangatog na’ng mga tuhod niya. Alam niya kasing bubugbugin siya nito. Sa isip niya, sana, siya na lang si Darna.

Nang dumating siya kina Aling Salud ay naabutan niya ito at ang kasintahan nitong si Mang Densyo. Totoo naman talagang may kasintahan ito na taga-ibang bayan pero mahal niya si Aling Salud at loyal siya dito kaya hindi niya talaga ipagkakalat na may kasintahan ito. Over Aling Selya’s dead nails!, sa isip niya. Ito ang nagbibigay sa kanya ng mga notebooks mula nang pumasok siya sa isang pampublikong paaralan. Minsan ay binibigyan siya nito ng baon. Minsan din ay tinuturuan siya sa ilan niyang mga aralin. Dati kasi itong titser pero ngayon ay nagretiro na. Hindi naman talaga siya iyong kawawang batang bakla kung tutuusin. Pero naisip din niya, paano kung umalis na si Aling Salud? Eh di hindi na siya makakanood ng Darna. Pag ganun na yung takbo ng isip niya ay tumitigil na siyang mag-isip dahil ayaw niyang mawindang. Narinig kasi niya noon na niyayaya si Aling Salud ni Mang Densyo na magpakasal at tumira sa probinsya. Hindi naman talaga dumihin ang kuko ni Aling Salud. Gusto lang muna niyang pumunta doon bago sa ibang mga suki para makita ang matanda. Kung baga yun lang talaga yung daily routine niya. Sa isang araw ay nakakaipon siya ng animnapu hanggang isang daang piso sa isang araw. Para kasi yun sa uniporme at mga notebook niya. Nararamdaman niya kasing isa sa mga araw na ito ay aalis na si Aling Salud. Isa pa ay nahihiya na siya dito kaya naisip niyang mag-ipon. Pero kapag kinakapos talaga siya eh hanggang “Thank you” na lang ang kita niya.

Habang nanonood siya ng telebisyon ay nakita niya ang isa sa mga patalastas. Pang-sampung beses na yata niya itong napanood pero ngayon lang talaga siya nakinig. Tungkol ito sa kababaihan. Hinihikayat nito na lumaban ang mga kababaihan laban sa pang-aapi. Isa sa mga nagsalita ay si Angel Locsin. Sulong daw. Maya-maya ay naisip niya ang nanay at lola niya. Tapos yung mga ale na inaapi din naman ng kanilang mga asawa at ginagawa na lang ang tsismisan bilang libangan para makalimot, at ang paglalaba para may rason silang malayo kahit sandali sa kanilang mga tahanan. Naisip din ni Ding yung tatlong babaeng nagtratrabaho sa Pegasus. Mag suki din kasi niya yung mga yun. Mababait din ang mga ito sa kanya at binibigyan siya ng tsokolate. Hindi sila masaya. Kunwari lang. Pero sabi ng mga ito sa kanya, pagod na rin sila. Ginagamit lang ang mga ito bilang palipasan ng init ng katawan at libangan ng kalalakihan kapalit ng kaunting pera. Naisip din niya ang kanyang walang kwentang ama, sampu ng mga kainuman nito. Naeembyerna talaga siya sa mga yun! Sa huli’y naisip niya si Aling Salud na naging matandang dalaga dahil takot na masaktan dahil sa tatay nitong iniwan sila at sumama sa ibang babae. Napapangiti si Ding sabay ayos ng buhok. Sa isip niya, napapaisip talaga siya ng malalim kapag si Angel Locsin na ang nagsasalita. Pero napasimangot siya ng maisip na pati ito ay biktima din dahil sa pagbibilad nito gabi-gabi ng katawan para lamang kumita. Akalain mo yun?, sa isip niya, may sense pala akong mag-isip? Siguro ay impluwensya iyon ni Aling Salud sa kanya.

Nasa kanto pa lang siya ng marinig ang sigaw ng nanay at lola niya. Umiiyak na sumisigaw. Dali-dali siyang tumakbo papunta sa bahay nila. Kahit naman kasi araw-araw na itong nangyayari ay natataranta pa rin siya. Naabutan niyang may hawak na kutsilyo ang tatay niya at nakatutok sa nanay niya habang ang lola naman niya ay halos mawalan ng ulirat sa isang sulok. Napasigaw siya. “Itay! Huwag nyo pong sasaktan si inay! Ako na lang po!”

“Tumigil ka! Isa kapang malas sa buhay ko! Nag-iisang anak ka na nga lang eh bakla pa! Sana pala pinhid na lang kita noon sa tuwalya!”, sabay lapit sa kanya ng tatay niya.

Pinigilan ito ng nanay niya kaya sinampal ito ng tatay niya. Maya-maya ay nag-umpisang mambugbog ulit ang tatay niya. Tumakbo si Ding palabas at kumuha ng malaking bato. Naisip niyang walang magagawa ang imahinasyon niya kung hindi siya kikilos. Pero siyempre hindi niya lulunukin ang bato. Ibabato niya ito sa tatay niya. Noong huling beses na may dalang kutsilyo ang tatay niya ay muntik na nitong masaksak ang nanay niya. Buti na lang at nasipa ng nanay niya ang tatay niya sa tiyan. Saan ba kasi nakahiram ng kutsilyo ang tatay niya eh tinapon na nga niya yung kutsilyo. Nang bumalik siya ay naloka siya sa nakita niya. Natakot siya at nandiri rin dahil nakita niyang nakahubad na sa pang-ibaba ang tatay niya. Gagahasain yata ang nanay niya dahil ayaw ng huli na maghubad. Nag-pokus siya at buong lakas na pinukpok ang bato sa ulo ng tatay niya habang nakatungtong siya sa silya ng bahay nila na nagsisilbing salas. Nahilo ata ng kaunti ang tatay niya dahil nabitiwan nito ang buhok ng nanay niya, pati na ang kutsilyo. Maya-maya ay hinarap siya ng tatay niya at kinarga. Itatapon pa yata siya nito sa bintana! Pangarap nga niyang maging si Darna at lumipad pero hindi naman sa ganitong paraan! Sumisigaw siya pero bigla siyang napatigil nang naramdaman niyang napahinto ang tatay niya at unti-unti siyang bitawan. Tumili siya na parang biik na Makita niya kung anong nangyari. Pinutol ng nanay niya ang itits ng tatay niya! Isang inch ata ang naputol at nakita niya yung isang inch nay un na gumulong malapit sa dingding! Umiiyak at natakot din ang nanay niya. Maya-maya pa’y dumating na ang mga tanod at dali-daling sinugod ang tatay niya sa ospital.

Sa pagkabigla ay hindi niya alam kung anong unang gagawin. Kung yayakapin ba niya ang nanay at lola niya o pupulutin ang isang inch ng tatay niya. Sa huli’y niyakap na lang niya ang mga nanay niya. Natuwa naman siya ng mahimasmasan. Hindi niya alam kung makukulong ba ang nanay niya o ang tatay niya. Basta ang alam niya, mas magaling pa siya kay Darna.


===============


Italya- Sa Loob ng Dalawang Oras
Kuwentong Sinaliksik ni Lovely C. Estrada

Ang kuwentong ito'y ibinase sa tunay na buhay. Maaring may mga maseselang bahagi sa kuwento na 'di angkop sa mga batang may edad 5-10 Isusulat ng may-akda nang direkta sa kung papaano inihayag sa kanya ng kapamilya at kaibigan ng biktima ang mga pangyayari Sinikap ng may-akda na iwasan ang pagdadagdag at pagbabawas ng mga detalye sa kuwento.

Sa isang kalyeng malapit sa amin, may karahasang naganap. Karahasang hanggang sa kasalukuya'y 'di pa nabibigyan ng hustisya.

Taong 1996, mag-aalas dies ng gabi, naghahanda si Aling Elsa ng pang-agahan ng buong pamilya. Luluwas siya kinabukasan papuntang Maynila para mamasukan bilang isang waitress sa isang restawran na pag-aari ng kanyang matalik na kaibigan. Nakalimutan niyang bumili ng mantika sa pamilihang bayan kaya't tinawag niya si Italy para bumili nito. Si Italy,15, ang nag-iisang anak ni Aling Elsa. Malamyang lalaki si Italy kaya ayaw sa kanya ng kanyang ina at parati siyang inuutusan. Kilala sa iskuwelahan bilang si “Italya”. Ayon sa panganay namin na kaibigan ni Italy, naikukuwento daw nito na pakiramdam niyan'y nagkakaroon siya ng silbi kapag inuutusan siya ng kanyang ina. Palibhasa'y sinisisi siya sa paglayo ng kanyang ama. Tanging si Arya na pinsan ni Italy ang pinagbubuhusan niya ng pagmamahal. “ Ayaw niya sa akin dahil bakla ako.”
Tahimik sa kalye Guilig. Marahil takot raw ang mga residente na manggulo dahil nakatirik roon ang bahay ng isang “maimpluwensiyang” konsehal ng Lingayen. Ngunit sa gabing ito'y nabasag ang katahimikang iyon. Naglalakad pauwi si Italy galing sa tindahan nang narinig niya ang mahinang iyak ng babae. Lumapit siya sa kanyugan na pinanggagalingan ng boses. Nakita niya ang dalawang mamang balak gahasain ang umiiyak na babae. Nakita niya kung paano iginapos ng isang lalaki ang biktima pati ang buong senaryo ng panggagahasa. Nataranta si Italy sa kanyang nasaksihan. Tumakbo ito palayo ngunit nadapa siya. Nahulog ang bote ng mantika. Binitawan ng isang mama ang babae at sinundan si Italy. Pinagsasaksak niya ito. Sinundan pa niya ito ng mas marami pang pananaksak upang siguraduhing 'di na makakapagsumbong pa. Samantalang habang ginagahasa at kunwari'y naaaliw ang babae'y sinipa niya sa kuwan ang mama at nakatakas ito. Iniwan na lang ng dalawang mama ang katawan ni Italy.
Ayon sa ina ni Italy, alas dose na ng gabi ay wala pa ang kanyang inutusan kaya't lumabas ito ng bahay para hanapin ito. Natagpuan niya sa gilid ng daan ay ang malamig na bangkay na lamang ng kanyang anak. Nagpasiya siyang huwag na lang tumuloy sa Maynila at hanapan ng hustisya ang pagpatay kay Italy. Pinalakas pa ng loob niya ang pagkumopronta sa kanya ng ginahasang babae. Ayon kay Joyce,21, pina-sketch niya sa presinto ang mukha ng dalawang suspek ngunit nang tumagal ay sinasabing hindi residente ng Lingayen ang dalawang mama. Naisalaysay din ng babae na hinuhubadan pa lamang siya ng dalawang rapists ay alam na niyang nandoon si Italy ngunit hindi ito humingi ng tulong dahil baka mapahamak pa ito. Ikinuwento pa niy ang mga detalye. “ Nakaligtas ako dahil sa bata.”
Hindi tumigil ang ina ni Italy. Ikinunsulta niya ito sa kapit-bahay na konsehal ngunit tinangihan siya ng tulong dahil ayon sa politiko, wala siyang magagawa dahil hindi naman niya sakop ang mga suspek. Kani-kanino pa lumapit si Aling Elsa ngunit lahat sila'y walang nagawa, parang sinayang lang ang kanyang pagod. “Nagsisisi ako sa ginawa kong pagtrato sa anak ko.”
Sa aking masusing pagsasaliksik ay nalaman ko na pumapasok na sa iskwelahan ang anak ni Aling Joyce at lumipat na sila ng tirahan. Namumuno na rin ito sa pagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan laban sa anumang sexual violence. Sa kabilang banda, wala ng balita sa kaso ni Italy. Nang makapanayam namin ang ina ni Italy noong nakaraang Marso ay patuloy niya raw itong inilalakad ngunit parang binabalewala lamang ng mga pulis. Ano na kayang nangyari, ibinasura na kaya ang kaso?



===============


Prinsesa
Allen Penus

Ako si Allen. Hulaan mo. Lalaki ako o babae? Lalaki? Mali. Alam kong magkakamali ka, panlalaki kasi ang pangalan ko. Dahil marami nang nagakamali sa pangalan ko. Tuwing unang araw ng klase, tinatawag ako na kasama ng mga lalaki. Pero babae ako. At ako ay isang prinsesa.
Ipinagbuntis ako ng nanay ko noong hindi pa masyadong uso ang ultrasound. Nasa tiyan pa lang ako ng nanay ko, may pangalan na ako. Allen. Iyon kasi ang gusto ng tatay ko na pangalan ng magiging panganay niyang anak na hinihiling niya na sana ay lalaki. Hindi ko alam kung bakit parang sigurado na sila na lalaki ang magiging panganay, wala ngang ultrasound noon. Siguro pangit ang nanay ko noong pinagbubuntis niya ako.
Kaya naman, noong December 12, surprise, surprise! Hindi lalaki ang lumabas, walang titi ang baby. Akala ninyo lalaki ako, ano? Pero dahil nasa loob pa lang ako ng tiyan ng nanay ko ay Baby Allen na ang tawag sa akin, hindi na nila pinalitan ang plano nilang pangalan ko. Allen na nga ang naging pangalan ko. Ni hindi man lang dinagdagan, sana man lang may nakakabit na pambabaeng pangalan. Pero siguro hindi na nila naisip iyon.
Mayroon akong kapatid na lalaki. Intsik ang tawag sa kanya dahil para siyang Chinese. Siya ang paborito ng lahat. May robot siya, may kotse-kotsehan, may baril-barilan. At madami siyang kalaro.
Ako ang naman ang prinsesa sa pamilya. Dahil nag-iisa lang naman akong babae. Lalaki kasi lahat ng mga pinsan ko. Ako lang ang may dresses. Ako lang ang may Barbie. Ako lang ang may Dollhouse. Ako lang ang may lutu-lutuan. At ako lang din ang walang kalaro.
Hindi kasi ako sinasali ng mga pinsan ko sa mga laro nila. Ayoko naman ng tayaan dahil ako ang laging taya. Ayaw naman nila siyempre maglaro ng manika. Minsan, nakipaglaro ako ng labanan ng robot sa kanila. At dahil wala akong robot at wala namang gustong magpahiram sa akin, si Barbie ang ipinanlaban ko sa kanila.
Talo. Putol ang ulo at kamay ni Barbie. At ang lakas ng iyak ko. Nagsumbong pa ako. At napagalitan ang mga pinsan ko. Mula noon, hindi na nila ako isinali ulit sa labanan ng robot. Minsan, nakukumbinse ko silang maglaro ng lutu-lutuan. Sila ang gumagawa ng apoy para sa pagluluto, ako naman ang taga-kuha ng dahon na iluluto. Pero napapagalitan naman kami dahil nagkakaroon ng uling ang mga damit namin at isa pa’y delikado dahil baka makasunog kami.
Kaya naman, naglalaro akong mag-isa, naging masaya na din ako na manika lang ang kaharap ko. Nagsasalita akong mag-isa na parang may kausap. Pinagtatawanan ako ng mga pinsan ko kapag nakikita nilang nagsasalita akong mag-isa. Masyado akong iyakin, kaya lalo akong inaaway ng mga pinsan ko. At lagi akong napipikon kaya hindi talaga ako kinakaibigan.
Hindi ako nakakalabas ng bahay dahil wala naman akong kalaro. At ayaw ko din naman sa bahay dahil lagi kaming nag-aaway ng kapatid kong lalaki. Laging ako ang napapagalitan kahit ako ang unang umiiyak, dahil ako ang panganay. Mas matanda lang naman ako ng isang taon at kalahati sa kapatid ko kaya hindi ko maintindihan kung bakit ako ang kailangang mapagalitan. Naiinis ako sa kapatid ko noon dahil iniisip kong ako ang pinapagalitan dahil siya ang paborito ng tatay ko. Dahil lalaki siya. Naisip ko pa noon na sana ay naging lalaki na lang din ako para ako ang paborito ni Papa.
Lumipas ang panahon, unti-unting nagbago ang pagtingin nila sa akin, hindi na ako inaaway ng mga pinsan ko, malapit na din ako sa tatay ko, at hindi na ako nagsasalitang mag-isa.
Dahil nagbago ako. Hindi na ako umiiyak, hindi na ako nagsusumbong, at hindi na ako pikon. Pero hindi din ako nagpapatalo sa kanila kung alam kong tama ako. Hindi ko alam kung bakit at paano ako nagbago.
Mabait na sa akin ang mga pinsan ko, hindi na nila ako inaaway. Sila pa nga ang naging kakampi ko sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Hindi sila umaalis nang hindi ako kasama, hindi sila gumi-gimik nang hindi ako niyayaya. Mahal nila ako. Ako ang kanilang prinsesa.
Dahil ipinakita ko na malakas ako, at hindi basta-basta magpapatalo. Dahil iwinaksi ko sa isipan ko na mahina ako dahil ako ay isang babae.
Ang isang babae, upang irespeto at mahalin ng iba, kailangan muna niyang malaman kung paano mahalin at irespeto ang kanyang sarili. Hindi niya dapat isipin na siya ay mahina dahil sa siya ay babae. Dapat ay handa siyang ipaglaban kung anumang sa tingin niya ay tama. At lalong hindi siya dapat magpalunod sa namamayaning kultura kung saan ang mundo ay balwarte ng mga kalalakihan. Lalaki man, o babae, bakla man o tomboy, butiki man o baboy..



===============


Hindi Ako Siya
(Isang Malaking Pagkakamali)
Lovely C. Estrada

Iniwan ko na ang buhay probinsya. Malaya na ako. Malaya na akong gawin ang lahat ng aking ninanais. Wala ng matang sumusunod sa akin. Nandito sa ako sa UP Diliman. Ano ngayon kung magpagabi ako? Hindi naman nila malalaman. Pwede na akong mag- sleepover, mag-oovernight sign lang ako sa logbook. Wala naman silang dapat ipag-alala, alam ko ang aking limitasyon, malaki na ako. Hindi na nararapat sa akin ang alas seis na curfew. Mas maami na akong makikilala, hindi tulad noong hayskul na pare-parehong mukha ang nakikita ko. Marami na akong nakilala. Dahil sa dami nila, hindi ko na lahat maalala. Pero may isa, isa na hinding-hindi ko makakalimutan. Ang aking kaibigan na tahimik at seryoso, napakamisteryoso. Mahilig siyang magkuwento. Pinagkokonekta niya ang mga bagay-bagay na wala namang konekta. Kaya naman non-sense ang kanyang mga kuwento, sayang lang ang laway niya. Sabi niya minsan, “wala”. “Wala namang perpektong tao. Ano ba ang epekto kung meron kang depekto?” Sabi pa niya, “tangent line had only one chance to meet the curve and then, parted forever.” Para raw siyang tangent line. Mukhang naka-math mode siya, wirdo, ang alam ko'y ayaw niya sa Math dahil binagsak niya ang Math17. Saka 'yung una niyang sinabi, 'di ba kanta 'yun? Hay naku, para siyang may topak. Pero in fairness, cute siya. Kaya lang mali yata ako ng nilapitan, para siyang psychotic. Ito pang nakapagtataka, dahil lang sa baligtad ang TOKI siya doon siya sumasakay. Nalaman ko ito noong sumakay kami pauwi galing sa gym, klasmeyts kami sa PE. Nagkataon na kinailangan kong pumunta ng coop kaya nagkasabay kami at nakapagkuwentuhan. Pati nga ang pagreregalo sa kanya ng comforter ay naikwento niya. Ayaw niya raw maging comforter. Nagkocomfort,pero 'di kinocomfort. “Unless para sa babaeng magugustuhan niya. Narealize niya na nagpapaka-senti na siya kaya tumawa siya, tinawanan niya ang kanyang sarili. Natawa na rin ako. Marami pa siyang sinasabi ngunit hindi ko na naiintindihan, basta't nag-eenjoy ako sa pakikinig sa kanya. Akala ng lahat ay hindi siya nagsasalita, at kasama ako sa kanila. Ngunit ang tulad niyang napakaseryoso ay ngumingiti rin pala. “Nung bumaba na ako ay nanahimik na naman siya. Mukha na naman siyang seryoso. Paano nga naman namin hindi maiisip 'yun kung tuwing nasa dance are kami ay ganoon ang mukha niya? Maliban lamang nung hiningi niya ang mga kamay ko para sumayaw. Tawa siya ng tawa kapag may sinasabi ako, kahit hindi naman ako nagpapatawa. Mayabang man ako kung sasabihin o na ako lang ang nakakapagpatawa sa kanya ay totoo naman iyon. Nakahawak siya sa baywang ko at nakahawak ako sa balikat niya. Malapit kami sa isa't-isa. Nakatingin siya sa akin at nakatingin din ako sa kanya. Maslalo pa kaming napalapit sa isa't-isa. Nag-usap kami uli. Ewan ko ba't ngayon niya lamang natanong ang aking kurso, taon, at ikinalalagi ko. Doon namin nalaman na magkakurso kami at parehas kami ng dorm noong nakaraang taon. At hindi lang iyon, team mates pa kami sa sports fest! Sa kasamaang palad, hindi kami nagkakilala noon. Ngunit sa kabutihang palad, nagkakilala pa rin kami. Isang linggo kaming nagsayaw. Ngunit sadyang napakabilis ng isang linggo. Hindi ko na namamalayan, ibang kamay na ang nakahawak sa mga kamay ko. Mga kamay na hindi fit sa akin. At ang kamay niya, hawak na rin ng iba. Bakit kailangang matapos ang sayaw namin? Late reaction. Ngayon kung wala na siya, saka ako nakilig sa aming dalawa. Kinilig ako dahil sa dami ng kamay na maaari niyang piliin, ang mga kamay ko ang inalok niya. Kinilig ako dahil ako lang ang nakakapagpatawa sa kanya. Naaalala ko ang mga pag-uusap namin sa TOKI na mukhang hindi na mauulit. Sa IKOT na ako sumasakay mula sa gym para makarating ng Sampa, palibhasa'y humihinto ang TOKI sa Math. Naaalala ko ang mga bihira ngunit sa ami'y parating nangyayari, ang pagkakapareho ng sinasabi. Matitigilan kami at magtatawanan. Naaalala ko ang pagiging partners in crime namin, ang pagpuslit sa praktis upang makapagtanghalian ako dahil 'di ako nakakapag-agahan. Naaalala ko ang pagsalo niya sa akin kapag napapaikot ko nang napakabilis at maraming beses. Parati niyang sinusuri ang kalagayan ko, kung okey lang ako, dahil sa totoo'y nahihilo na ako. Naalala ko ng mga kuwento niyang non-sense na ngayon ay may sense na dahil siya ang naagkuwento. Kahit pa binagsak niya ang Math17 ay walang kaso 'yun sa akin, hindi ko kailangan ng nerd. “Wala namang perpektong tao.” Kahit para siyang may topak, okey lang. “Ano ba ang epekto kung meron kang depekto?” Kung kaya ko lang imaneobra ang tangent lines at gawing perpendicular lines. Kung kaya ko lang siyang i-comfort. Sa aking pagmumuni-muni'y may sumagot. “Kaya mo iyan!” Lumapit siya sa akin at mukhang nabasa niya ang nasa isip ko. Nabasa niya ang sarili niya. Nabuhayan ako ng loob. Sabi ko na nga ba't hindi niya ako matitiis. “Oh, tumayo ka na diyan, kahit mahirap ang steps, kaya mo 'yan partner!” Itinayo ako ni Aaron, ni Eli, ni Gel, at kung sinu-sino pa. Hindi na nga pala siya dahil ibang babae na ang inaalalayan niya. Madalas na rin siyang mag-absent ngayon. Nagtira na lang ata siya ng isa pang palugit para lamang hindi maka-bingo. Iba na siya ngayon, hindi na niya ako kinakausap. Ayaw na niya kaya akong makita? Naisip ba niya ako kahit minsan? I thought “I found a very special love in him.” But no! “Doesn't he know that we both belong? I knew it from the start. We belong.” Magiging tangent line na rin ba ako? Para na rin akong isang comforter. Hay naku! Ano itong nangyayari sa akin? Natotopak na rin ba ako gaya niya? Hindi na importante. Ngunit, minsan rin lang ba kami magkakakilala at maghihiwalay na? Hanggang nakaw tingin na lang kami. Sa dance area kung saan napapalibutan kami ng salamin, doon na lang. Doon ko na lang siya tinitingnan, at sana'y tingnan niya rin ako, kahit repleksyon ko lang sa salamin. Lumipas pa ang mga araw at wala pa ring pagbabago. Hindi pa rin niya ako tinitingnan. Sa araw-araw na kasusulyap ko sa repleksyon niya ay nagreplek na rin sa utak ko ang kanyang pigura. Ang kanyang Giordano shirt, ang kanyang Swatch na relo, ang buhok niyang maitim, ang maputi at malinis niyang mga kamay. Araw-araw rin akong nag-iilusyon. Na bagay talaga kami. Na kapag kami ang nagkatuluyan ay magiging maputi rin ang angkan namin, maitim ang buhok nila, magsusuot din sila ng Swatch na relo tulad naming dalawa, mag-aaral rin sila sa UP, at magsasayaw sa dance area na 'to. Isang kaso lang, kung sila ay hindi magiging matalino sa Math.... 'di bale, tututoran ko na lang sila. Hehe. Mangyayari pa kaya ang mga ito, o magiging ilusyon na lang talaga? Mukha nga, mukhang hindi na mangyayari. Hindi na mangyayari? Ngunit sino itong nagbibigay-buhay sa mga ilusyong ito, at...bakit siya nandito....sa tabi ko?! Hinawakan ng kanyang dalawang kamay ang braso ko. “ Bakit 'di mo ako pinapansin? Ayaw mo ba sa akin? Ako gusto kita!” Ikinagulat ko ang mga salitang nagmula sa kanyang labi. Ito na ang pinakahihintay ko, ang pagtatapat niya, ngunit.... ang mga tao sa paligid! Wala na pala sila, kaming dalawa na lang. Sa sarili lang namin ang nakikita namin sa salaimin. “Noon pa lang, alam mo na na hindi puwede, hindi pa ako handa.” “At bakit?” Malaya na nga ako ngunit may responsibilidad. Matagal bago ako nakasagot. Napuno ang paligid ng katahimikan. Ang katahimikan na sa huli'y ako ri ang bumasag. Hinawakan naman niya ang mga kamay ko. “Look Will...” Unti-unti niya akong binitawan. Hindi ko na naituloy any sana'y sasabihin ko na hindi ko dapat sabihin. Natigilan ako. Napigil ang aking paghinga. Nararamdaman ko ang panlulupaypay ng kanyang pulso. Isang malaking pagkakamali. Tapos na kami ni Will, at ang luhaang John, siya ang kaharap ko ngayon.



===============


PLATO
Maricel O. Manlantao

Women empowerment? Women liberation? Ano ang mga ito? Bakit palagi kong naririnig ang mga ito? Putahe ba ito? Musika ba ito? Anu-ano ang mga saklaw na sakop ng mga salitang ito?

Dalawang taon na ang nakararaan nang nagsimula ang ngayo’y tapos nang kabanata sa aking buhay. Nasa pangalawang taon pa lang ako noon sa kolehiyo at katatapos pa lamang ng unang semestre ng magsimula ulit kaming magkaroon ng komunikasyon. Dati ko siyang kasintahan. Bata pa kami noon noong unang naging kami. Dose anyos pa lamang ako at siya nama’y kinse anyos. Magkaklase sa mataas na paaralan ang aking nanay at ang kanyang tatay pero hindi naging sila. Wala lang. Magkaklase lang talaga sila noon. Hindi kami nagkakilala sa paaralan dahil magkaiba kami ng ganun. Doon kami nagkakilala sa YFC. Nalaman ng mga magulang namin ang tungkol sa relasyon naming dalawa kaya pinaghiwalay kami at napag-usapang pwedeng maging kami ulit kapag tumuntong ako sa edad na disi-osto at kung “mahal” pa rin naming ang isa’t isa. Pero hindi kami naghiwalay at patago pa rin kaming nagkikita. Hindi kami yung tipong naghahalikan o naglalampungan. Nag-uusap lang talaga kami. Yun lang. Nang biglaan kaming napalipat sa Mindanao ay naputol na rin an gaming komunikasyon. Pero kami pa noon. Alam naming dalawa. Makalipas ang dalawang taon ay bumalik ako sa Samar para magbakasyon. Pwede na kaming magbakasyon dahil hindi na kami mainit sa mata ng mga pulitiko sa Samar. Nagkita kami. At gaya ng inaasahan dahil sa mga naririnig ko din habang nandoon pa ako sa Mindanao, seminarista na nga siya. Ang honghang na yun! Nagpakita pa talaga sa ‘kin habang nakasutana! Pinutol na namin ang ugnayan namin noong bumalik ako sa Mindanao. Mabuti na yun. Kesa naman sa magkasala pa ‘ko. But no! Makalipas ulit ang dalawang taon ay katext ko na naman siya! At ‘eto na yun! Katext ko na talaga siya!

Ilang linggo din kaming magkatext bago kami magkita dahil nagbakasyon ulit ako sa Samar. Ayun. Seminarista pa din siya at makasalanan pa din ako dahil pumayag akong makipagbalikan sa kanya. Sa isip ko, disi-otso na ‘ko. Masaya naman kami noong una pero nagising lang kami sa katotohanang mahirap ang pinasok naming relasyon dahil seminarista nga siya at sandali lang kaming laging magkikita—isa o dalawang beses sa isang taon? Nadagdagan pa ang paghihirap ko nang malaman kong may “bestfriend” daw siyang babae! Talagang halos kumulo ang dugo ko noon nang malaman ko iyon! Hinanap ko talaga ang friendster account ng babaeng yun at nakita ko naman. Mukha siyang plato sa lapad ng mukha niya! At hindi lang basta plato. Yung tipong ginagamit sa fiesta! Malapad, malaki, malalim! Maputi nga lang siya at yun lang ang lamang niya sa ‘kin. Oh sige. Seksi din siya. Pero kumusta naman ang IQ niya? Thank you na lang.

Lumipas ang maraming buwan ng panggagalaiti ko sa lintik na babaeng yun. Umamin naman sa ‘kin ang ex ko (na boyfriend ko pa noon) na dumating siya sa punto na nagkagusto siya sa platong yun pero hindi niya niligawan dahil ayaw daw niyang masira ang pagiging magkaibigan nila. Talagang puti na lang ang nakita ko sa mata ko habang nanlilisik ako sa galit at kulang na lang eh kuryentehin ko sa kabilang linya ng telepono yung boyfriend kong manhid. Sobrang nag-isip na ‘ko noon ng nga taktika kung paano mapapaligpit yung babaeng yun. Pero pinili kong maging kalmado. Sabi pa nga ng mga blockmates ko, “Keep your friends close, but your enemies closer.” Eto pa’ng isa, “Kindness is the sweetest revenge.” Oo, may mga ganoong factors talaga ang mga blockmates ko. Kaya naman kinaibigan ko ang babaeng yun at binato ko talaga siya ng kabaitan ko. Hinampas ko rin siya ng mga magagandang text messages, pinasagasaan ng concern (kunwari), at sinabunutan ko siya ng mga pasalubong! Eh ‘di okay na sana. Kahit minsan ay naiinis pa din ako sa kanya at sa bwisit kong boyfriend dahil ang mga palakang yun eh nag-iinuman at naghihiraman ng mga cellphones at hindi ko na alam kung ano pa dahil malayo naman ako sa kanila at malapit sila, kaya napaparanoid ako lagi. Hindi ko napapansin noong una pero isang araw ay nagising na lang ako habang naisip ko na napaka-negative na ng energy ang lumalabas sa ‘kin. Lagi akong galit, lagi akong nagdududa, lagi akong paranoid. Dagdagan pa natin ng panloloko ng boyfriend ko at ako mismo ang nakahuli dahil may mga messages ang third party niya na mukha naman leaning tower of Pisa ang ilong pero seksi din at mahaba ang buhok pero isa din “Thank you” ang IQ (ang spelling ng “friend” niya sa friendster ay “freind”, at “dressing” ay “dreessing”) Kumusta naman yun? Pero dahil sa sumanib sa akin ang katangahan, pinatawad ko pa rin ang boyfriend ko. Bale dalawang babae na—yung bestfriend at yung isa pang babae na naging third party talaga niya. Pero yung bestfriend talaga yung hindi ko malunok sa sistema ko eh. Kaya galit pa rin ako. Isang taon at anim na buwan na kami nang maging malamig ulit ang boyfriend ko sa ‘kin. Hindi na siya nagtetext o kahit anong klaseng pagpaparamdam man lang. Basta dumating sa isang araw na nagtext ulit kami. Ganito ang mga naging linya naming:

Ako: text tayo
Siya: galit ka ba?
Ako: sobra
Siya: bakit?
Ako: di ka na nagtetext e. effortless kang makipag-communicate
Siya: so ano na ngayon?
Ako: break na tayo
Siya: sige

Ang kapal talaga niya! Mula noon, wala na kaming balita sa isa’t isa. Nagtetext yung bestfriend niya na babae pero hindi ako nagrereply dahil wala na akong pakialam sa kanila.

Tapos na ako sa magulong kabanata ng buhay ko na yun. Puro katangahan, puro kamartiran, puro sakit. Tapos na ako sa akala ko’y kaya ko pang tiisin. Naisip ko lang, bakit ako magtiyatiyaga sa taong hindi naman katiyaga-tiyaga? Ilang taon din akong nabuhay sa isang ideyang hindi nagbabago ang tao. Pero, kagaya nga ng basura, lahat ng bagay, pati na ang a-hole kong ex, ay nagbabago. Sana ay kapulutan ng ito ng kahit katiting na aral, lalo na ng mga babae. Hiwag tayong magpapadala sa mga emosyon natin. Dahil hindi lahat ng maganda sa pakiramdam ay tama. Babae, gumising ka. Kung nawawala ka na, gamitin ang isip. Masakit pero sa pagpapakawala mo ng isang lalaking hindi karapat-dapat ay para ka na ring naging malaya sa pagkakabilanggo. Hindi mo man ito maisip ngayon, pero darating ang panahong maiisip mo rin yan at magpapasalamat ka sa utak mo.

Ito ay isa lamang sa mga halimbawa ng women’s liberation. Hindi man ito malalim kung tiitingnan, pero naisip ko lang, pwede itong maging simula ng aking kamulatan.



===============


Girl Power
Aurea A. Dagnalan

Babae ang namumuno sa pamilya namin. Ayaw man ito aminin ng nanay ko, pero 'yun ang totoo. Si Mama ang nagpapatakbo ng bahay. Siya ang gumagawa ng halos lahat ng desisyon. Siya ang naglalapag ng mga patakaran. Siya ang nag-aayos ng lahat ng lakad ng pamilya. Sa kanya iniaabot ang suweldo. Sa kanya kukuha ng baon sa eskwela. Sa kanya magsusumbong kapag inaway ng kapatid. Sa kanya magpapaalam kung lalakwatsa. Sa kanya magsosori kapag umuwi na ng madaling araw. Sa kanya nanggaling ang sermon.
Mabagsik ang mga sermon ni Mama. Hindi siya naninigaw, hindi siya nagmumura. Pero tagos sa puso ang kanyang mga pangaral. Kapag nagsesermon, parang bawat salita ay sibat na swak na swak sa dibdib. Imbis na mainis ka sa sobrang haba ng sermon ay maiiyak ka pa. Galing niya no? Siya ang kilabot ng tahanan.
Pero hindi ko naman sinasabing ander ang tatay ko. Marunong din siyang manumbat at manermon kaya lang madalas ay pinapaubaya niya na lang kami kay Mama. Si Dad ay laking Bikol, at ang kaisa-isang anak ng isang surgeon at isang pharmacist. Bata palang siya ay sanay na siyang puro babae ang nasa bahay. Meron siyang higit sa labingapat na pinsan na kasama at kalaro araw-araw, labingdalawa dito'y magkakapatid. Bagamat siya ang isa sa pinakabata sa magpipinsan, sanay siyang nilalambing at inaalagaan ng mga ito. Pero siyempre dahil sila ang mas matanda sa kanya, malimit ay sinusundan niya ang mga utos nila.
Laking mama's boy si Dad. Lahat ng luho niya ng bata ay binigay sa kanya ni Lola. Si Lola Mads ang naghubog sa kanya upang maging isang matalino at kagalang-galang ng tao. Lahat ng pangaral ni Lola Mads ay pinakinggan niya, mula sa tamang paraan ng pagkain, hanggang sa pagpili ng asawa.
"Mag-asawa ka ng Ilongga," ang sabi ni Lola sa kanya. "Ang mga Ilongga ay malalambing, mapagmahal at maabilidad." Tubong Negros Occidental si Lola, kaya ganito na lang ang bias niya sa mga Ilongga. Mula sa mayamang pamilya si Lola Mads, pero unti-unting naubos ang kanilang kayamanan dahil sa mga bisyo. Kaya paulit-ulit niyang itinuro kay Dad ang kahalagahan ng edukasyon. At nang matapos makuha ang diploma sa College of Law ng UP, nagkaroon agad ng trabaho si Dad sa gobyerno, para maalagaan naman niya ang kanyang mga magulang, lalo na ang kanyang ina. Hindi naglaon at unti-unting tumaas ang kanyang posisyon sa opisina. Noong 1981, nagkaroon ng pagpupulong sa Iloilo ang kanilang ahensya, at siya ang pinapunta. Doon niya nakilala si Mama.
Si Mama ay pangalawa sa tatlong anak ng isang haciendero mula sa Silay, at isang gurong taga Jaro. Naghiwalay silang dalawa kaya napilitang palakihin at paaralin ni Lola Lou ang tatlong anak ng mag-isa. Kasabay pa nito ang pagkawala ng kanyang trabaho matapos ang mga bagong patakaran na ipinatupad ng DECS na hindi na pwedeng magturo ang mga nag-aral ng three-year teacher's course sa PNU. Kaya sa umaga si Mama at ang kanyang ate ay tumutulong kay Lola sa kanilang munting tindahan.
Working-student ang drama ng nanay ko. Simula noong bata siya hanggang sa makapagtapos ng kolehiyo ay trabaho ang inatupag. Anim na taon siyang nag-hayskul at anim na taon siyang nag-kolehiyo dahil sa kung anu-anong trabahong pinasok niya para lang makaraos. Hindi nakapagtapos si Tita dahil kinailangan niyang maghanap ng permanenteng trabaho, habang patuloy parin ang paninda ni Lola. At dahil sa mga sakripisyong ito ay naipagtapos nila si Tito at ang naiangat ang pamilya mula sa kahirapan.
Noong Ikatlo ng Enero 1982, ikinasal ang aking mga magulang. Bakas na bakas sa mga mukha ng kanilang mga magulang ang kasiyahan sa araw na iyon. Lahat ng pangarap nila para sa kanilang anak ay natupad. Baon nilang dalawa ang mga pangaral na buong-pusong inihandog sa kanila ng kanilang mga ina. Kaya laging sermon sa amin ni Mama na mahalaga ang edukasyon, at dapat laging unahin ang pamilya sa lahat ng panahon.
Ngayong malapit na akong makapagtapos, madalas kong naiisip na umabot sa ganitong kalagayan ng kaginhawaan ang aking pamilya dahil sa mga babaeng katulad nina Mama, Lola Mads, at Lola Lou. Inialay nila ang kanilang sarili para sa mga anak nila. Sana'y maging tulad nila ako kapag narating ko na rin ang mga pangarap ko.



===============


BIYAHENG MINDANAO 101
(turo ni Inay)
Maricel O. Manlantao

Karamihan sa mga Pilipino ay mahilig magbiyahe, lalo na yung papunta sa mga kanya-kanya nating probinsya. Madalas, kahit wala na tayong pera ay nangungutang pa talaga tayo para lamang makauwi. Paano kasi’y hindi mapapantayan ng urbanidad ang buhay probinsya. Noong nasa unang taon pa lamang ako ng kolehiyo ay unang beses ko ding magbiyahe pauwi na walang kasama. Mabuti na lang at lagi akong tinuturuan ng nanay ko hanggang sa mapasok na sa kokote ko ang mga itnuro niya sa akin sa pagbiyabiyahe. May tatlong paraan kung paano makapunta sa Mindanao. Pwede kang sumakay sa bus na inaabot ng 3 araw yata yun; pwede ring sa pamamagitan ng barko na umaabot ng 3 araw din; o dili kaya’y sa pamamagitan ng eroplano na umaabot lamang ng 1 hanggang 2 oras. Ang hindi ko makakalimutan ay sa pamamagitan ng eroplano. Narito ito:

Pagpapareserba Pagbili ng ticket
Ihanda ang Ingles. Kung maaari, isulat ito sa isang pirasong papel. Mag-ensayo. Kapag okay na, i-dial ang numero ng paliparan. Mag-antay ng sasagot. Makinig ng mabuti. Basahin ang mga sinulat sa papel. Dapat ay nakangiti habang nagsasalita para mas may karisma. Mas takot sila sa boses ng lalaking nagi-Ingles at minsan ay sa babaeng magaling mag-Ingles kaya paghusayan. Kapag nakapagpareserba na ay bilhin agad ang ticket.

Paghahanda ng mga Gamit at Pasalubong
Gumawa ng listahan ng mga dapat dalhin. Kaunti lamang ang dalhin para hindi mabigat at para bilhan ka ng bagong damit pagdating mo sa Mindanao (tiyak iyon. Kung hindi ay wala ka nang masusuot.) Huwag nang mag-abala pa sa mga pasalubong dahil kakailanganin mo din ang pera kapag nagkulang ang pamasahe mo, o kaya’y kapag hindi ka binigyan ng perang panggala sa Mindanao. I-check ang I.D. at ang ticket at siguradihung naka-charge ang mga cellphones. Matulog nang maaga.

Pagpunta sa Paliparan
Maligo at kumain para hindi mangamoy sa paliparan. Siguraduhing tama lamang ang damit. Huwag magsuot ng maiigsing damit dahil mangangatog ka lamang sa lamig sa loob ng eroplano. Wag din iyong balot na balot. Te, nasa Pilipinas ka lang. Wala ka sa Alaska. Wag kalilimutang magsuot ng bra at underwear. Wag ding magsuot ng mga bastusing damit. Baka akalain nilang galing kang Japan. Importante ang mga ‘yan. Maghanda na lamang ng jacket at ilagay sa loob ng bag. Magpaalam sa guardian at lumabas at pumara ng taxi. Wag magpapahalatang masama ang loob dahil hindi ka nila ihahatid. Kalma ka lang. Siguraduhing maayos ang pagkakasabi sa drayber at huwag magpahalatang hindi mo talaga alam ang dadaanan niyo. Makinig sa mp3 at ngumuya ng bubble gum sakaling nabibilang ka sa mga byahilo. Pagdating sa paliparan, magbayad ng tama. Pero dapat na nakasisiguro kang nasa tamang paliparan ka. Mamaya ay nasa Cebu Pacific ka pala at ang ticket mo ay sa PAL. Naloko na. Kung gusto mo, pwede ka ring magbigay ng lima hanggang sampung pisong tip.



Pagpila at Paghihintay sa Eroplano
Pumila ng maayos. Siguraduhing nakapila ka sa tamang pila. Huwag masyadong maging mayabang habang ipinapakita ang U.P. Diliman I.D. Konti lang. Matapos magcheck in ay umupo sa tamang upuan. Huwag uupo sa Tacloban kung sa Cagayan de Oro ang destinasyon mo. Wag masyadong lumingon-lingon. Baka mapagkamalan kang first timer. Kung may makikipag-usap sa iyong tao, dapat ay simple ka lang na magsalita at hindi nabubulol. Lalo na kung foreigner. Tandaan na ang karamihan sa kanila ay naghahanap ng mga mapapangasawang pwede ring gawing katulong pag-uwi. Tinitingnan kasi nila kung madali ka nilang mauuto. Kapag nahalata nilang ayos ang Ingles mo, maiisip nilang edukada ka at hindi ka nila basta-bastang makakaya. Wag makipag-landian. Pero kung sa tingin mo naman ay malinis ang intension at gwapo naman, sige lang.

Habang nasa loob ng eroplano
Ayusin ang seatbelt. Makinig sa sinasabi ng stewardess. May mga panahon kasing doon sila nag-aanunsyo ng mga importanteng bagay hinggil sa inyong paglalakbay. Makinig lalo na sa safety measures. Mahirap na.

Pagdating sa Mindanao
Wag basta-bastang magtitiwala sa mga porter. Baka ang iba sa kanila’y hindi talaga porter ang gusto lamang mansalisi. Pumili ng mabuti. Kapag nakita na ang nanay mo ay ngumiti sabay yakap. Iabot sa kapatid na lalaki ang dala-dalang bag. Sabay-sabay na pumasok sa kotse at umuwi. Pwede ring kumain muna sa labas kung gutom na gutom ka na.

Ang paglalakbay ng mag-isa ay hindi basta-bastang bagay. Lalo na kung babae ka. Dapat kang maging handa at malay sa lahat ng mga ginagawa mo. Bawal ang tatanga-tanga. Sabi ng nanay ko, dalawang klase lang ang tao sa mundo: ang mga manloloko at ang mga nagpapaloko.

Sa Hinaharap
Lovely C. Estrada


Mga tauhan:

Bitamina A, 900- pinsan ni Calcium at Flouride
Iodine,780- kapatid ni Bitamina A
Calcium at Flouride, 670- kambal
Bitamina D, 850- kapatid sa labas ni Calcium at Flouride
Potassium, 890 -kasintahan ni Bitamina D
Iron, 10000- Lola nina Bitamina A, Iodine, Bitamina D, Calicium at Flouride
Tubig, 100000- Asawa ni Lactum
Baso at Kutsara,24-kambal, mga kaibigan ni Tubig
Lactum, 3- alipin ni Baby James
Baby James, 3- anak ni Kris Aquino
Kris Aquino, 35- buyer ni Lactum
Nutritionist, 23- nutritionist

Unang Eksena
Sa Mercury Drug, naghahanap si Kris Aquino ng mga vitamins na ipapalamon niya kay Baby James. Sa isang malaki at bukas na istante, natagpuan niya sina Bitamina A at Iodine.

Bitamina A: Pssst, Kris, bilhin mo na ako para makakita nang maayos si Baby James. Para mai-shoot niya ang bola sa ring tulad ng Papa niya.
Hindi siya maririnig ni Kris.
Bitamina A: Hoy Kris bulag ka ba?
Sasabat si Iodine.
Iodine: Ay tanga! Bingi, gago! Hindi ka niya ata narinig.
Bitamin A: Eh anong pakialam mo?
Iodine: May pakialam ako.
Bitamina A: Ano nga?
Iodine: Hindi ko sasabihin.
Bitamina A: E 'di huwag!
Tatahimik ang dalawa. Sisilip silip si Bitamina A kay Iodine.
Bitamina A: Hoy, 'tol joke lang 'yun, kaw naman. Sabihin mo na sa'kin. Parang 'di tayo magkapatid ah.
Mapapaisip si Iodine.
Iodine: Sige na nga! Ganito 'yun. Balita ko, yan si Baby James, mahina raw ang utak, in short bobo, nagmana ata kay....
Mag-aantay ng kasunod na kuwento sa Bitamina A.
Bitamina A: Tapos? Bitin ka naman. Ang mabuti sa'yo pakasalan mo na lang si Calcium at nang humaba ka naman.
Iodine: Ano ka ba naman. Hindi 'yun bitin. I-analyze mong mabuti. Kung bobo si Baby James, ano ang kailangan niya?
Magmumuni-muni si Bitamina A.
Bitamina A: Gagu, inuutakan mo na naman ako. Kung hindi mo alam.... hahaha! Tignan mo yang daliri mo.
Susuriin ni Iodine ang kanyang mga daliri.
Iodine: Hayup ka, bakit mo ako kinain?
Bitamina A: E 'di isipin mo! Tinuringan ka pa namang pinakamatalino sa lahat!
Maiinsulto si Iodine at kukuha ng syringe, pagkatapos ay isasaksak ito kay Bitamina A.
Bitamina A: (namamatay) uuuuaaaaahhhhh.........
Iodine: Hahahahahahahahahaha!!! Sino ngayon ang mautak? Wala nang tatalo pa sa akin...hahahahahaha...

Ikalawang eksena:
Sa mercury drug pa rin, sa kabilang istante, natagpuan ni Kris sina Calcium at Flouride.

Kris: (Kay Baby James) Baby James, what do you want?
Hindi sasagot si Baby James.
Kris: Baby?
Baby James: (pasigaw) Aaaaaahhhhhhhhh!
Matutumba si Baby James.
Kris: Baby James!
Calcium at Flouride: Hahahaha... success!
Magpapatuloy ang tawanan ngunit bigla silang matitigilan.
Calcium: Flouride, bakit natin tinakot si Baby James? E 'di hindi na tatayo bibilhin ni Kris?
Flouride: Hindi, hindi naman alam ni Kris na tayo ang may kagagawan. Siyempre maiisip niya na kailangan tayo ni Baby James kasi clumsy siya.
Calcium: Ay oo nga, napakagaling!
Magtatawanan muli ang dalawa ngunit matitigilan sila sa reaksyon ni Baby James.
Baby James: Mommy, let's go, 'yung vitamins nagsasalita!
Kris: Okay Baby, calm down, nandito si Mommy, aalis na tayo.

Ikatlong Eksena:
Sa mercury drug pa rin, sa isa pang istante, naroon sina Bitamina D at Potassium. Nagtatawanan sila. Parating na sina Baby James at Kris.
Bitamina D: Buti nga sa dalawa kong kapatid, haha, hindi na sila mabibili, mabubulok na sila sa drugstore na ito. Hahahaha. Am I right loves?
Hihikbi hikbi si Potassium.
Bitamina D: Loves?!
Potassium: Eh kasi, pag binili ka ni Kris iiwan mo ko't kakalimutan.
Bitamina D: Ano ka ba! Alam mo, magkalayo man tayo....(kakanta si Bitamina D) magkalayo man tayo'y, walang magbabago. Mananatili kang nandito sa puso ko.
Hahagulhol si Potassium.
Potassium: Waaaaaahhhhhh!
Mapapatigil sa pagkanta si Bitamina D.
Bitamina D: Oh bakit?
Potassium: Mamimiss kita.
Bitamina D: Ano ka ba naman, baka ka hindi ako bilhin ni Kris.
Potassium: Eh sinong bibilhin niya?
Mapapaisip si Bitamina D
Bitamina D: Ahmmmm....uhhhhmmmm.... si... si Lola Iron?
Poatssium: Ha, nababaliw ka na ba, e sa sobrang tanda nun!
Bitamina D: Ano? Sinong baliw? Walang hiya ka!
Potassium: Sori, lo siento, soooorrrrryyyyy!....
Hindi matatapos sa pagsasalita si Potassium.
Bitamina D: Tumigil ka! Hindi ko kailangn ng iyong paliwanag! Pero..... pero, tama ka. Malamang hindi bibilhin ang matandang iyon, baka tumanda pa si Baby James.
Magtatawanan ang dalawa. Palapit na si Kris.
Bitamina D: Hayan na si Kris, excited na ako!]
Tititig si Kris sa istanteng kinalalagyan nina Potassium at Bitamina D.
Kris: Vitamin D and Potassium.
Mapapatitig si Kris kay Baby James. Maslalong na-eexcite si Bitamina D.
Kris: Baby James, I don't think you need these that much. Maputi ka naman and macho e, like your Dad. Come on, let's go.
Bitamina D: (umiiyak) huhuhuhu. Hindi niya ako binili.... ahuhuhuhuhu....Maputi raw si James? Huh? Bulag talaga 'yang si Kris, tama si Bitamina A! Dapat siya ang nag-vivitamins!

Ikaapat na eksena:
Sa mercury drug pa rin, sa dulong istante, naroon si Iron, namumula. Papunta roon sina Kris. Samantalang gumaganti ang mga vitamins and minerals at tinatakot si Baby James.

Kris: Baby James? Namumutla ka! I think you need this one.
Kinuha ni Kris si Iron at nagbayad sa kahera

Ikalimang eksena:
Sa bahay ni Kris Aquino. Kinuh niya si Tubig at si Iron.
Kris: Baby James, it's time to take your vitamins.
Pinainom si Tubig ni Kris kay Baby James at nginuya rin ni Baby James si Iron.
Iron: Sa wakas, magagawa ko na ang aking tungkulin. Paalam mga apo. Paalam sa mundo.
Pagkaraan ng isang araw....
Kris: Baby James, you look so red. Oh, my God! I'll call Nutritionist, wait here Baby.
Kinuha ni Kris ang telepono.
Kris: Hello Nutritionist?
Nutritionist: Kris, i have an offer, buy all vitamins and minerals available at the drugstore for complete and balanced nutrition.
Kris: Thank you Nutritionist. (Haharap kay Baby James). Baby James, ang offer sa'tin ni nutritionist ay bilhin lahat ng vitamins and minerals sa drugtore. If you agree, just press the botton, if you don't agree, close the cover of the botton. Is it a deal, or no deal?
Baby James: No deal!
Kris: Okay Baby James,you have two briefcases to open. And wala ka ng choice dahil dalawa lang ang briefcase dito. Baby, open the briefcase! (Tumigil sila sandali. Bubuksan na ni Baby James ang briefcase) Ang laman ng maleta ay...... tubig! Natanggal na sa listahan si tubig. Open ka pa ng isa. Ang laman ng isa pa ay....baso at kutsara! Congratulations Baby James, it's a good game.
Tatawagan uli ni Kris si Nutritionist. Tutunog ang telepono. Krinng! Krringg!
Kris: Hello Nutritionist?
Nutritionist: My offer will be... all the vitamins and minerals available at mercury drugstore plus Iron. I will reincarnate Iron. Well, it depends upon the player.
Kris: Thank you nutritionist. (Haharap kay Baby James) Baby James, ang offer ni Nutritionist ay ...all the vitamins and minerals available at mercury drugstore plus Iron. She will reincarnate Iron. Well, it depends upon the you. Is it a deal, or no deal?
Mapapaisip si Baby James. Matagal siya bago makasagot.
Baby James: Deal!
Kris: Okay Baby, all the vitamins and minerals available at mercury drugstore plus the reincarnated Iron, all of these are yours!
Ibibigay na ni Nutritionist ang premyo ni Baby James.
Kris: Okay now Baby, take all of these. (Mapapatigil si Kris, may maaalala siya) Wala na pala tayong tubig. Ay....... Dibale, lunukin mo na lang.
Nilunok ni Baby James ang kanyang premyo.
Lahat ng vitamins and minerals: Yaaaahhhhoooooo!
Mabubulunan si Baby James. Matataranta si Kris.
Kris: Oh my God! Baby? Sabi ko na nga ba you need water!

Ikaanim na eksena:

Sa mercury drug, naghahanap si Kris at Baby James ng tubig. Sa isang istante, nakita niya ang hinahanap niya. Andoon rin ang asawa ni Tubig, si Lactum.

Kris: Oh water, I see you, I'll buy you! You like and need this Baby James, right?
Lumingon siya kay Baby James. Namumutla si Baby James. Nataranta si Kris. Nag-isip isip hanggang sa...
Kris: I think nagamit mo kanina sa paglalakad ang lahat ng bitamina at mineral na kinain mo kanina. Now I know what to buy 'cause moms know best for their children.
Kinuha ni Kris si Tubig at ang asawa nitong si Lactum, binayaran niya ito sa kahera at pinainom kaagaad kay Baby James.
Baby James: Now....... “I'm 100% nourished kid!” Vow.

-WAKAS NG KOMERSYAL-


===============


Pagluluto ng Kaligayahan
Allen Penus


1 Sa isang kaldero, maglagay ng tubig at ihulog ang pag-ibig. Hintaying uminit. Ihulog din ang mga regalo, bulaklak, at tsokolate na siguradong magbibigay lasa sa pag-ibig. (kailangan nito para lumambot ang pag-ibig)

2 Ihalo ang sex na magbibigay asim at linamnam sa lutuin. Isama dito si Ilusyon na siyang magbibigay kiliti sa imahinasyon ng kakain nito.


3 Huwag kakalimutang ilagay si Friendship, ito ang magpapatagal sa pagkain, upang hindi agad mapanis.


4 Habambuhay ang pagluluto nito.


(Ito ay recipe ni Jesus na iniaalay niya kay Nigang na kasama niya sa kabilang buhay, pero hindi ito nagustuhan ni Nigang. Ayon dito ay hindi na siya muling magpapaloko kay Jesus at kaya na niyang gumawa ng sariling kaligayahan.)



===============


Limang Hakbang Para Gumawa ng Karagatan*
Aurea A. Dagnalan

1. Kalkalin ang lupa. Gumamit ng kahit anong parte ng katawan. Kung kayang gamitin ang pilik-mata para maghukay ay huwag mag-atubili. Para mas madali ang trabaho ilabas ang lahat ng galit sa lupa. Dapat kasi napakalalim ng hukay. Kung may kagalit ay isipin ang lupa ang kanyang mukha at agad-agad itong kalmutin ng mga daliri. Siguraduhin ang hukay ay malawak at malalim. Kung hindi kayang mag-isa tumawag ng mga kaibigan.

2. Kumuha ng mga dekorasyon. Pangit naman kasi kung walang laman ang karagatan mo. Mahalagang ilagay ang Tiyaga, Tiwala, at Pagmamalasakit. Kahit wala muna ang Pag-ibig, Pag-irog at Pagmamahal. Darating din yun balang araw. Mas lalo nang huwag kukunin sina Sex, Ilusyon at Ambisyon. Masyado silang mahal. Pagkatapos tipunin ang mga pang-dekorasyon, ikalat ito kung saan-saan sa hukay, at ayusin para maganda.

3. Patuyuin sa araw ang hukay. Dapat ito'y malinis na malinis. Maghanap ng kasamang taga-bantay para dito. Pwede ang mga kaibigan, pero siyempre yung mga kaibigan mo may sariling buhay din, kaya hindi ka nila laging masasamahan. Dapat ang kasama mo ay handang manatili sa iyong tabi kahit anong oras, kahit anong mangyari. Siya ay dapat mapagkakatiwalaan mo, dahil sa kanya mo iiwan ang susi ng karagatan mo kung sakaling napagod ka na. Medyo matagal kasi bago ito matuyo.

4. Kapag natuyo na ang hukay, pwede nang punuin ito. Kailangan mo ngayon ng pang-puno. Makipag-away ka sa kasama mo. Hanapin ang lahat ng pagkakamali mula sa isa't isa. Kumuha pa ng isang kasama para idagdag sa pagaaway. Tawagin ang mga kaibigan, sila'y magiging kunsintidor. Magalit ka, mainis ka, pero wag kang magwawala. Ipunin ang lahat ng ito sa dibdib. Huwag hahayaang malabas kahit konting Mura o Hinanakit. Kailangan mo ang lahat ng makukuha mo. Kaya dapat pati ang kasama mo ay magiipon ng Sama ng Loob.

5. Ngayon ay may pang-puno ka na. Tumayo kayo ng kasama mo sa gitna ng hukay. Maghawak kayo ng kamay at simulang lumuha. Ilabas ang lahat ng Kalungkutan, Takot, Galit, Sama ng Loob at kung ano pa man ang naipon sa damdamin. Umiyak, humagulgol, ngumawa. Gawin ang lahat para mailabas ang lahat ng mga patak ng luha. Huwag mong pipigilan ang sarili. Titigil lang kayo kapag napuno na ang hukay. Buo na ang karagatan mo.

*base sa isang activity sa CW 10, 'Five Ways to Make an Ocean'



===============


Ang babae
Allen Penus

Ang babae ay maganda
Maningning tulad ng tala
Kung sa giyera’y mapasama
Handa siyang maging bala

Ang babae ay malinis
Wala kahit isang dungis
Kung masama ka namang labis
Tapang niya’y mabangis

Ang babae ay mahinhin
Maging sa kanyang pagbahin
Nguni’t kung iyong galitin
Ihuhulog ka niya sa bangin.

Ang babae ay igalang
Siya’y dakilang nilalang.
Siya ay matapang
At laging handang lumaban.



===============



Urduja
Lovely C. Estrada



Sa Pangasinan, sa aking probinsya
Kumikinang ang korona ng prinsesang sinta
Sinsabing ika'y isang amasona
Dahil sa'yong tapang, pinagkamalan ka

Sa iyong kaharian, doon sa Talawisi
Kinakalaban ay hindi pinipili
Sa iyong ama, kamay mo'y hinihingi
Ngunit ang iyong puso'y 'di nila mahuli

Aking prinsesa, ikaw ba ay totoo
O mananatili na lamang na isang mito?
Laganap pa rin ang mga kunot-noo
Kapag naririnig ang iyong kuwento

Kung ikaw lamang ay tutungo sa kasalukuyan
Lumalaking nunal ay liliitan
Naninilip na mata'y papuputukan
Mga pagnanakaw ay matutuldukan

Nasaan ka na aking prinsesa?
Situwasyon ba ni Ina'y iyong nakikita?
Sa mga kamay nilang patalikod tumitira
Sa mananamantala, kami'y iyong isalba

Prinsesa Urduja, ikaw ba ay totoo?
Kung gayon, kami'y iahon mo rito.
Kung mananatili ka na lamang na isang mito
Kaligtasan namin ni Ina'y maisasantabi mo.



===============


Dalaga
Aurea A. Dagnalan

Dalaga, ano iyang ginagawa mo?
Bakit ka nakaluhod, nakayuko?
Meron bang lumapastangan sa'yo?
At nawala na ang buhay sa mata mo?
Babae, tumayo ka, ika'y lumaban
Hirap, dahas, lungkot o ano pa man
Tiyak, kayang-kaya mo itong tapatan
Pagkat puso'y busilak, puno ng yaman
Ika'y isang anak, kapatid, at ina
Dunong mo'y s'yang ihandog, ipamana
Para ang kinabukasan ay sagana
At para mawala nang tunay ang dukha
Dalaga, sa'yo ako'y sumasaludo
Pinasan mo ang mundo sa balikat mo



===============


PUKE NG INANG BAYAN
ni Maricel O. Manlantao

Saksi ka sa mga nangyari
Mula nang isilang mo itong salinlahi
Nakita mo ang kamusmusan nitong ating bayan
Ngayon ay hindi na, kita mo naman

Maraming nagbuwis ng buhay para sa’yo
Andyan si Rizal, Silang, at Bonifacio
Madaming gustong ikaw ay angkinin
Sa huli’y lahat sila’y nabitin

Sa pagdaan ng madaming taon
Nagluwal ka pa ng sandaan at mahigit pang generasyon
Di mo ba namamalayan?
‘Te, umabot na kami sa walompo’t limang milyon

Di ka ba nanghihinayang?
Ilan sa mga binhi’y mo’y bulok na naisilang
Nariyan ang mga politikong gahaman sa kapangyarihan
Nariyan ang mga maharot na mga kabit, salapi lamang ang tinitingnan

Di ka ba nalulungkot?
Marami sa mga kabataa’y hindi nakakapag-aral
Walang panustos kanilang mga magulang
Walang pera dahil din rin nakapag-aral malamang

Di ka ba nasasaktan?
Karamihan sa mga kababaiha’y inaabuso’t ginagawang gamitan
Kumusta naman ang mga battered wives at mga prosti?
Panggagahasa, pambubugbog, at iba pang kalse ng pang-aapi

Naniniwala ka pa rin ba’ng kahit man lang isa sa mga lumabas “diyan”
Ay may pusong gusto ng pagbabago
At kikilos para dito?
O pati ika’y nawalan na rin ng pag-asa?

Ikaw. Oo, ikaw
Kumilos ka
Dahil aminin mo man o hindi
Bawat isa sa ati’y galing sa puke ng ating inang bayan
posted by biskwit at 6:41 PM 2 comments